October 03, 2024

Home SHOWBIZ

Angelica sa 40 days ng pumanaw na ina: 'Sana hindi ka hiningal paakyat Ma!'

Angelica sa 40 days ng pumanaw na ina: 'Sana hindi ka hiningal paakyat Ma!'
Photo courtesy: Angelica Panganiban-Homan (IG)

Madamdamin ang naging mensahe ng aktres na si Angelica Panganiban sa ika-40 araw simula nang pumanaw ang kaniyang inang si Annabelle "Ebela" Panganiban noong Agosto 20, 2024 sa gulang na 61.

Hindi naman idinetalye ni Angge ang dahilan ng pagkamatay ng kaniyang ina.

Sa kaniyang Instagram post nitong Setyembre 28 ay nag-post si Angge ng mensahe para sa kaniyang mahal na ina.

"11:18PM exactly 40days ago. Tinawag ka na ni Papa God. Sabi nila, ngayon ka daw aakyat papuntang heaven. Sana hindi ka hiningal paakyat Ma," ani Angelica.

Dating Careless: Liza Soberano, 'WILD' na!

"Sana masaya ang welcome party mo dyan sa taas. Sana rin nakita mo ang celebration mo dito. Maraming bumisita at nag paalam sayo Ma. Sana nakita mo ang mga luha at narinig mo ang mga tawanan namin habang pinaguusapan ka namin. Sana may last sermon pa Ma. Sana may huling tawanan pa. Last bilin. Huling I love you. Sana mas marami pang oras Ma."

Saad pa ng aktres, inihanda raw siya ng kaniyang ina sa lahat ng bagay, subalit ang hindi raw niya napaghandaan ay ang pagkawala nito habambuhay.

"Hinanda mo ko sa maraming bagay, pero hindi dun sa wala ka na. Hindi ako handa sa huling usap, huling yakap, huling asaran at huling tawa mo."

"Ma, ikaw ang bumuhay sakin kaya ikaw ang buhay ko. Kumpyansa sa mga takot ko. Gabay sa dilim, katahimikan sa gulo. Pag mamahal at pagpapatawad sa bawat galit ko. Ikaw ang Mama ko. Ikaw lang. Mahal na mahal kita Ma. Hanggang sa muli."

Bago tuluyang mawala sa mundo si Ebela ay nasaksihan pa niya ang kasal ng anak kay Gregg Homan, at siyempre, naalagaan pa ang apong si Amila Sabine o Baby Bean.