December 23, 2024

Home BALITA National

Pangilinan, nanawagan sa pamahalaan na aksyunan ang pagbagsak ng presyo ng palay

Pangilinan, nanawagan sa pamahalaan na aksyunan ang pagbagsak ng presyo ng palay
photo courtesy: Kiko Pangilinan/FB

Nanawagan si dating senador Kiko Pangilinan sa pamahalaan na aksyunan ang pagbagsak umano ng presyo ng palay sa merkado.

Ito’y matapos makarating kay Pangilinan ang napakababang bilihan ng palay sa mga lalawigan, partikular na ang ilang bahagi ng Nueva Ecija kung saan umaabot lamang sa P16.50 kilo ang bentahan.

“Nakakaalarma ang mga report sa atin ng mga magsasaka na P16.50 kada kilo na lang ang bentahan ng palay. Hindi katanggap-tanggap ang presyong ito, lalo pa't inaasahan ng mga magsasaka ang mga bagong ani nilang palay para matustusan ang kanilang pangangailangan,” saad ni Pangilinan.

Mahigit 500,000 metriko toneladang imported rice aniya ang pumasok sa bansa mula lamang nitong Hulyo kung kailan tinapyas ang taripa sa bigas mula 35% pababa sa 15%.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

“Kapag nagkataon, malungkot ang magiging Pasko ng mga magsasaka at kanilang pamilya kung magpapatuloy ang mababang bilihan ng palay,” dagdag pa ni Pangilinan.

Kasabay nito, nanawagan si Senador Kiko sa mga lokal na pamahalaan na makialam at bilhin sa tamang presyo ang palay ng mga magsasaka sa kanilang nasasakupan.

Sa ilalim ng Sagip Saka Act na iniakda ni Pangilinan, puwedeng bilhin ng mga lokal na pamahalaan ang produkto ng mga magsasaka sa kanilang lugar upang hindi masayang ang kanilang ani.

“Malaki ang maitutulong ng pagbili ng mga lokal na pamahalaan para magkaroon ng masayang pagdiriwang ng Pasko ang ating mga magsasaka at kanilang pamilya,” ayon kay Pangilinan.