Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes, Setyembre 24, na ang easterlies pa rin ang patuloy na nakaaapekto sa malaking bahagi ng bansa.
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdadala ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong mga pag-ulan o thunderstorms sa Bicol Region, Eastern Visayas, Caraga, at Davao Region.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong mga pag-ulan o thunderstorms din naman ang inaasahang mararanasan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.
Posible rin ang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).