October 11, 2024

Home BALITA Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog
Photo courtesy: 91.5 Brigada News FM Legazpi City (FB)

Matapos mag-viral at umani ng mga negatibong reaksiyon ang video ng isang pusang inihagis sa dagat, tuluyang nasakote ng pulisya ang dalawang menor de edad na siyang nasa likod ng nasabing video.

Kumalat ang nasabing video noong Miyerkules, Setyembre 18, 2024 kung saan makikita ang menor de edad na lalaki na inihagis ang isang pusa patungo sa dagat. Ang nasabing content ay inasistahan din ng isa pang menor de edad na siya namang kumuha ng video.

Agad na kinondena ng Sto. Domingo, Albay Local Government Unit (LGU) ang sinapit ng pusa sa kamay ng dalawang menor de edad na lalaki at ipinahanap ang lokasyon ng mga suspek.

Ayon sa ulat ng Brigada News FM Legazpi City, natunton din agad ng mga awtoridad ang lokasyon ng dalawang suspek at kasalukuyang nasa kustodiya ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Samantala, napag-alaman namang buntis ang nasabing pusa matapos itong ma-rescue na unang idinulog sa pangangalaga ng barangay.

Kinondena rin ng Tabaco Animal Rescue and Adoption (TAARA) ang sinapit ng pusa at agad na nagpadala ng tulong medikal para dito.

Sa Facebook page ng TAARA, ipinagbigay-alam nito na wala namang tinamong galos ang pusa bagama’t balisa umano ito at tila traumatized sa nangyari.

Pormal na ring nagsampa ng reklamo ang TAARA sa dalawang lalaking nasa likod ng viral content.