October 14, 2024

Home SHOWBIZ Events

National Artist Ricky Lee, inihayag susunod na projects matapos 'Kalahating Bahaghari'

National Artist Ricky Lee, inihayag susunod na projects matapos 'Kalahating Bahaghari'
(Photo: MJ Salcedo/Balita)

Ibinahagi ni National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee ang mga proyektong kaniya raw pinagkakaabalahan sa kasalukuyan matapos niyang isulat ang kaniyang bagong nobela na “Kalahating Bahaghari.”

Sa ginanap na book launching ng libro ni Lee nitong Sabado, Setyembre 14, sinabi ni Lee na ang “Kalahating Bahaghari” ang nobela niyang pinakamabilis niyang naisulat, kung saan nagsimula raw siya noong Disyembre 2023 at natapos nitong Agosto 2024.

“Actually sinusulat ko memoirs ko, kaya lang nakakita ako ng ilang insidente sa diary ko at sa mga nangyari sa mga kaibigan ko noon, naisipan kong gawing nobela. Kaya ito pinanganak. Pero balikan ko pa rin ‘yung memoirs ko,” ani Lee.

Inihayag din ng national artist na nang matapos niya ang “Kalahating Bahaghari”, isang nobelang nakasentro sa danas ng LGBTQIA+ community, naramdaman daw niyang parang hindi niya kayang walang gawaing nakaharap sa kaniya.

Events

The Corrs, magko-concert sa ‘Pinas sa Feb. 2025!

“Noong matapos ko ‘yung nobela, hindi na ako makatulog, hindi ako makapagpahinga. Suddenly nawalan ako ng purpose, ng walang gagawin. Kaya marami akong project ulit na nakaharap sa akin,” aniya.

Kaugnay nito, ibinahagi ni Lee na mayroon siyang dalawang pelikula sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong taon, at may niluluto ring proyekto kasama ang aktres na si Iza Calzado, na isa rin sa mga naging guest celebrity sa nasabing book launch.

“May musical ako na ‘Moral’ with Ryan Cayabyab as the musician. And then may workshop akong itutuloy ko na this year, bago matapos ang taon, at marami pang iba,” saad ni Lee.

Sinabi naman ng national artist na hindi raw niya magagawa ang lahat ng kaniyang mga nagagawa ngayon kung hindi dahil sa kaniyang mga kaibigan, tulad na lamang ng mga personalidad na dumalo sa naturang event.

Bukod sa “Kalahating Bahaghari”, ni-launch din ni Lee sa naturang kaganapan ang “Kabilang sa mga Nawawala/Among the Disappeared”, isang aklat tungkol sa kuwento ng isang batang desaparecidos. Isinalin ito sa Ingles nina National Artist for Literature Bienvenido Lumbera at Ben Medina 

BASAHIN: Book launch ni National Artist Ricky Lee, dinaluhan ng naglalakihang celebrities