Sinabi ni Department of Justice (DOJ) Secretary Crispin Remulla na nagkasundo sila si Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na sibakin na sa puwesto si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco.
Ito raw ay dahil hindi umano na-detect ng BI ang pag-alis ni ex-mayor Alice Guo sa Pilipinas noong Hulyo.
Nitong Lunes, Setyembre 9, sinabi ni Remulla sa isang ambush interview na siya ang nagrekomenda sa pangulo na tanggalin at palitan si Tansingco.
"I asked the president to relieve him and to replace him," ani Remulla.
Nang tanungin kung bakit, "I am not satisfied. Marami kaming naging problema na."
Dagdag pa niya, "okay" na raw kay Marcos ang naturang rekomendasyon.
"Okay na 'yon. Nagkasundo na kami ng pangulo tungkol d'yan. Papalitan siya [Tansingco]. If I were him, I'd resign already. Mag-resign na lang siya."
Bukod daw sa isyu sa pag-alis ni Guo, sinabi rin ni Remulla na marami na raw lapses ang BI sa pamumuno ni Tansingco.
Gayunman, habang nasa Senate hearing nitong Lunes, sinabi ni Tansingco na hindi pa siya "officially informed" tungkol sa pagtanggal sa kaniya sa pwesto.