Sinabi ni dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo na mahigit limang beses siyang nakatanggap ng death threats.
Sa isinagawang pagdinig ng Philippine Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality nitong Lunes, Setyembre 9, muling inusisa ni Senador Jinggoy Estrada si Guo matapos nitong tumangging sumagot noong una dahil sa banta umano sa kaniyang buhay.
Ayon kay Guo, buwan ng Hunyo ngayong taon siya unang nakatanggap ng death threats.
“I think mga bandang June po this year,” ani Guo.
“Ilang beses?” tanong ni Estrada, na sinagot naman ni Guo ng “more than five times.”
Sinabi rin ng pinatalsik na alkalde na “through phone” daw niya natanggap ang naturang death threats.
“Gustong gusto ko po din i-discuss sa inyo, at humingi rin po ako ng pasensya sa inyo. Natatakot po talaga ako na i-disclose po sa public,” ani Guo.
Ayon kay Guo, sa executive session daw daw niya ibibigay ang mga detalye sa mga senador dahil ayaw raw niya itong isapubliko dahil sa takot sa banta sa kaniyang buhay.
Matatandaang sa pag-turnover ng Indonesia kay Guo sa mga awtoridad ng Pilipinas, sa pangunguna nina Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos at Philippine National Police (PNP) Chief Rommel Marbil, noong Setyembre 5, humingi siya ng tulong dahil mayroon umano siyang death threats.
MAKI-BALITA:
Nong Setyembre 4 nang maaresto ng mga awtoridad ng Indonesia si Guo at naibalik ng bansa noong Setyembre 6.
BASAHIN: Dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, arestado na!
Nahaharap siya sa contempt order at ilan pang kaso sa bansa, tulad ng nabanggit na pagkasangkot umano niya sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), bago siya tumakas ng bansa at magtungo sa Malaysia, Singapore, at panghuli nga ay sa Indonesia.