September 13, 2024

Home BALITA National

'Nakakaya mo pang tumawa?' Sen. Risa, pinagsabihan si Shiela Guo sa Senate hearing

'Nakakaya mo pang tumawa?' Sen. Risa, pinagsabihan si Shiela Guo sa Senate hearing
Photo: Sen. Risa Hontiveros/FB; file photo

Pinagsabihan ni Senador Risa Hontiveros ang kapatid ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na si Shiela Guo dahil tila hindi umano nito sineseryoso ang pagdinig ng Senado.

Sa isinagawang Senate hearing nitong Huwebes, Setyembre 5, inusisa ng mga senador ang naging pahayag ni Shiela na kaya raw sila nagpuntang Indonesia ay dahil “bored” ang kapatid niyang si Wesley Guo.

Saad ni Senador Joel Villanueva, taliwas ito sa naging pahayag ni Shiela sa naunang pagdinig ng Senado kung saan sinabi nito na ang pagiging “bored” ni Wesley ang dahilan kaya sila nagpunta sa Singapore.

“Again, na-bored sa Singapore kaya pumunta sa Indonesia?” ani Villanueva.

National

Bagyong 'Bebinca' nakapasok na ng PAR, tinawag nang 'Ferdie'

“Kasi nakailang days na po kami sa Singapore,” sagot naman ni Shiela.

“Kaya na-bored?” saad ni Villanueva.

“Hindi,” ani Shiela saka tumawa, dahilan kaya’t pinagsabihan na siya ni Hontiveros, chairperson ng naturang pagdinig.

“Ms. Shiela nagugulat ako. Well, buti na rin tulad naming mga Pilipino bilang isang Asian din, nakakayanan mo pang tumawa?” ani Hontiveros.

“Kahit sa prospect na 500 years na pagkabilanggo kung ma-convict kayo, sa kahit isang count lamang ng money laundering sa loob ng 7 years.”

Nito lamang ding Huwebes nang ihayag ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na posibleng makulong sina Alice, Shiela at mga kapwa nila akusado ng nasa 560 taon kapag nahatulang guilty sa kinahaharap nilang 87 kaso ng money laundering dahil sa pagkakasangkot umano nila sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Kaugnay nito, iginiit ni Hontiveros na dapat seryosohin ni Shiela ang pagdinig at makipagtulungan nang maayos kung nais daw niyang mabawasan ang kahaharaping “consequence” ng imbestigasyon.

“Sana seryosohin n’yo po itong hearing na ito ha.  Dahil hindi lang ang Senado, hindi lang ang House, nage-effort mag-imbestiga. Pati ‘yung mga executive at constitutional body, sobrang interesado sa mga kaso ninyo,” giit ni Hontiveros.

Dapat sa maikling panahon na lamang ng aming imbestigasyon at maikling panahon na lamang posible ng executive at constitutional bodies ng Pilipinas, pag-isipan n’yong mabuti. Humingi kayo ng payo sa abogado ninyo. Pag-isipan ninyong mabuti, mag-cooperate seriously sa imbestigasyong ito. Kung gusto n’yong medyo mabawasan ‘yung pasakit na maaaring saluhin ninyo dahil sa consequence ng mga iniimbestigahan naming ginawa ninyo,” saad pa niya.

Humingi naman ng paumanhin si Shiela sa kaniyang naging aksyon sa Senate hearing.

Matatandaang noong Agosto 22, nang mahuli ng mga awtoridad sa Indonesia si  Sheila, kasama ang kaibigan daw ni Alice na si Cassandra Li Ong, at naiuwi sa Pilipinas sa araw ding iyon.

MAKI-BALITA: Mga kasama ni Alice Guo na nahuli sa Indonesia, nakabalik na sa 'Pinas!

Nito lamang namang Miyerkules, Setyembre 4, nang maaresto si Alice sa Tangerang City, Jakarta, Indonesia, at nakatakda raw na mapabalik ng Pilipinas nitong Huwebes.

MAKI-BALITA: Dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, arestado na!