Bagama't hindi na ganoon kalakas kumpara sa naging mga buhos ng ulan nitong Miyerkules, Agosto 28, inaasahang patuloy na makaaapekto ang southwest monsoon o habagat sa malaking bahagi ng bansa ngayong Huwebes, Agosto 29, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdadala ang habagat ng occasional rains sa Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, at Palawan, at ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Metro Manila, Western Visayas, Negros Island Region, CALABARZON, Pangasinan, Tarlac, Pampanga, Bulacan, at mga natitirang bahagi ng MIMAROPA.
Nilinaw naman ng PAGASA na hindi na magiging ganoon kalakas ang magiging mga pag-ulan ngayong Huwebes, kumpara sa nangyari mga pagbuhos ng ulan nitong Miyerkules.
Gayunpaman ay pinag-iingat pa rin ng weather bureau ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Bukod dito, inaasahan ding magdudulot ang habagat ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms sa Bicol Region at mga natitirang bahagi ng Central Luzon at Visayas.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms din ang inaasahang maranasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dahil naman sa localized thunderstorms.
Posible rin daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa nasabing mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalukuyan ay may binabantayan din ang PAGASA na kumpol ng kaulapan o cloud cluster sa silangang bahagi ng bansa, kung saan posible raw na may mabuo ritong low pressure area (LPA) sa mga susunod na raw at pumasok sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR).
KAUGNAY NA BALITA: WALANG PASOK: Class suspensions ngayong Huwebes, Aug 29