Inaasahang magdudulot ng mga kalat-kalat na pag-ulan ang southwest monsoon o habagat sa malaking bahagi ng bansa ngayong Linggo, Agosto 25, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdadala ang habagat ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa MIMAROPA, Western Visayas, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, inaasahang makararanas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil naman sa localized thunderstorms.
Posible rin daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa nasabing mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin namang binabantayan ng PAGASA ang bagyo sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR) na may international name na “Shanshan.”
Ayon kay Weather Specialist Grace Castañeda, huling namataan ang Typhoon Shanshan sa layong 1,980 kilometro sa silangan hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon.
Hindi naman inaasahang papasok ng PAR ang naturang bagyo at wala itong direktang epekto sa alinmang bahagi ng bansa.
Bukod dito ay binabantayan din ng PAGASA ang mga kumpol ng kaulapan o cloud clusters sa loob kanluran ng Southern Luzon dahil may posibilidad daw itong mabuo bilang isang low pressure area (LPA).