Patuloy pa ring nakaaapekto ang southwest monsoon o habagat sa malaking bahagi ng bansa ngayong Sabado, Agosto 24, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdadala ang habagat ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa MIMAROPA, Western Visayas, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, inaasahan namang magdadala ang localized thunderstorms ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa.
Posible rin daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa nasabing mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin namang binabantayan ng PAGASA ang bagyo sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR) na may international name na “Shanshan.”
Ayon kay Weather Specialist Daniel James Villamil, huling mataan ang Severe Tropical Storm Shanshan sa layong 2,055 kilometro sa silangan ng Central Luzon.
Wala naman daw epekto ang naturang bagyo sa alinmang bahagi ng bansa at hindi rin nito pinalalakas ang habagat.