Kinumpirma ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Huwebes, Agosto 22, na totoo ang ulat na nahuli na ng mga awtoridad sa Indonesia ang dalawang kasama umano ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Base sa ulat ng ABS-CBN News nitong Huwebes, Agosto 22, inihayag ni Remulla na nasa ilalim na ng kustodiya ng Indonesia sina Sheila Guo and Cassandra Li Ong.
"Yes, that is true. It proves the connection between Bamban and Porac operations," ani Remulla.
Dagdag pa ng ulat, sinabi rin ni Remulla na pababalikin sa Pilipinas dahil tila may daya umano ang naging pagkuha nila ng kanilang mga pasaporte.
Si Cassandra Lee Ong ay may kaugnayan umano kay Guo at sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na Lucky South 99.
Samantala, si Sheila Guo naman umano ay kapatid mismo ng pinatalsik na alkalde ng Bamban. Kasama siya sa pangalang sangkot sa inihaing arrest order ng Senado kamakailan.
MAKI-BALITA: Senado, naglabas na ng arrest order vs Alice Guo
Matatandaang nitong Huwebes ng umaga nang isiwalat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na nabalitaan niya sa Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules ng gabi, Agosto 21, ang pagkahuli sa dalawang kasama ni Guo.
MAKI-BALITA: Dalawang kasama ni Alice Guo, hawak na ng Indonesian immigration office
Matatandaang noong Lunes, Agosto 19, nang isiwalat ni Senador Risa Hontiveros na nakaalis na ng bansa si Guo noon pang Hulyo 18, 2024, at nagtungo sa Kuala Lumpur, Malaysia.
MAKI-BALITA: 'Sinong may kagagawan nito?' Alice Guo, nakaalis na ng 'Pinas -- Hontiveros