January 22, 2025

Home BALITA National

VP Sara, Sen. Risa nagkairingan; hindi maintindihan ugali ng isa't isa

VP Sara, Sen. Risa nagkairingan; hindi maintindihan ugali ng isa't isa
VP Sara Duterte at Sen. Risa Hontiveros (Facebook)

Nagkasagutan sina Vice President Sara Duterte at Senador Risa Hontiveros sa isinagawang budget hearing ng Office of the Vice President (OVP) sa Senado nitong Martes, Agosto 20.

Sa naturang pagdinig, nagtanong si Hontiveros tungkol sa ipinamamahaging librong sinulat ni Duterte, at kung tungkol saan daw ito.

“Tell us more about the book ‘Isang Kaibigan’ at ilang kopya nito ang bibilhin ng gobyerno sa halagang P10 milyon, at idi-distribute?” tanong ni Hontiveros.

Samantala, sinabi naman ni Duterte na ang naturang katanungan umano ay isang kaso ng pamomolitika sa national budget.

National

PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?

"This is an example of politicizing the budget hearing through the questions of a senator. Ang problema niya kasi, nakalagay ‘yung pangalan ko doon sa libro, at 'yung libro na 'yan ibibigay namin doon sa mga bata. At 'yung mga bata na 'yan may mga magulang na boboto, at 'yung pangalan ko ay nagkalat doon sa kung saan man ibibigay 'yung libro,” giit ni Duterte.

Sinabi rin ng bise presidente na papadalhan nila ng kopya ng libro ang lahat ng dumalo sa nasabing pagdinig.

“Hindi ko maintindihan 'yung ugali ng ating resource person. It is a simple question, paulit-ulit na 'This is politicizing.' Ang VP ang nagbanggit ng salitang 'boboto’, wala akong sinabing 'boboto.' I'm simply asking,” sagot naman ni Hontiveros.

“Hindi ko ma-imagine, we're making so much trouble, so much fuss about a P10-million item na itinatanong ko lang, simpleng ‘What is the book about?' at ilang kopya ang bibilhin ng gobyerno sa halagang P10 million at idi-distribute. I don’t appreciate this kind of attitude,” saad pa niya.

Muli namang bumuwelta si Duterte at sinabing hindi rin umano niya maintindihan ang ugali ni Hontiveros, saka binanggit ang nangyari umano noong eleksyon noong 2016.

“Hindi ko rin maintindihan ang ugali ni Senator Risa Hontiveros. And I do not appreciate this kind of behavior and attitude,” saad ni Duterte.

“Noong 2016, tumatakbo si Senator Risa na senator, nakailang talo na siya, dalawa. Natatakot siya sa pangatlong talo niya kaya pumunta siya sa Davao, humingi siya ng tulong sa isang kagawad ng Davao. Humingi siya ng tulong sa akin thinking na hindi mananalo si Pangulong Rodrigo Duterte… Sabi ko sa kaniya, ‘Sige tutulungan kita.’,” ani Duterte.

Nang tulungan naman umano niya si Hontiveros at manalo itong senador noong naturang eleksyon, nagulat daw siyang ang senadora ang pinakaunang umatake sa kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Noong nanalo siya, anong ginawa niya? Siya ang pinakaunang umatake kay President Rodrigo Duterte. Anong tawag sa ugaling ganito?” saad ni Duterte.

Samantala, ibinalik naman ni Senador Grace Poe, chairperson ng naturang pagdinig, ang usapin tungkol sa libro, at doon na sinagot ni Duterte na tungkol ito sa pagkakaibigan.

“The explanation is in the title: ‘Isang Kaibigan.’ It’s about friendship,” ani Duterte.

“Kung sana ganoon ‘yung sagot noong simula pa... Nagkuwento pa ng kuwento na sinabi dati na walang kinalaman sa tanong ko. This is public funds and we are making inquiries. Budget hearing po ito. Hindi po lahat about you. Pera po ito ng taumbayan,” saad naman ni Hontiveros.