Ipinakakansela ni Senador Risa Hontiveros sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang Philippine passport ni Alice Guo, kasunod ng balitang nakaalis na ng bansa ang dating Bamban, Tarlac Mayor.
“Ang kapal din talaga ng mukha ng pekeng Pilipino na ito. Ginamit pa ang pasaporte ng Pilipinas para tumakas. Her passport should be made null and void immediately,” saad ni Hontiveros nitong Martes, Agosto 20.
Dagdag pa niya, “Cancelling her passport will limit her travels. Mas madali siya matutuntun kapag hindi siya gala nang gala. And besides, she does not have the right to use a Philippine passport in the first place."
Sa isang pahayag nitong Lunes, Agosto 19, isiniwalat ni Hontiveros na nakaalis na ng bansa si Guo noon pang Hulyo 18, 2024, at nagtungo sa Kuala Lumpur, Malaysia.
BASAHIN: 'Sinong may kagagawan nito?' Alice Guo, nakaalis na ng 'Pinas -- Hontiveros
Sinabi rin ni Hontiveros na dapat kinansela na ng ahensya ang passport ni Guo nang malamang Chinese national ito.
“Dapat nung nakumpirma na pineke ang kanyang pagka-Pilipino, kinansela na agad ang pasaporte niya. Sana naisagawa na ito ng ating mga ahensya. The failure to apprehend Alice Guo only shows the lack of better interagency coordination,” anang senadora.
"Hindi pwedeng nakakalusot siya dahil walang maayos na koordinasyon. At mas lalong hindi natin papalagpasin kung may mga opisyal pala na kasabwat si Alice Guo sa lahat ng ito."