September 10, 2024

Home SHOWBIZ Events

'Best Actress' award ni Marian sa pelikulang 'Balota', alay para sa mga guro

'Best Actress' award ni Marian sa pelikulang 'Balota', alay para sa mga guro
photos courtesy: GMA Pictures/X and FB

Inialay ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera ang kaniyang 'Best Actress' award para sa mga gurong matapang na pinoprotektahan ang mga boto ng tao kahit mapanganib. 

Nitong Linggo ng gabi, Agosto 11, ginanap ang 20th Cinemalaya Philippine Independent Film Festival awards night sa Ayala Malls Manila Bay kung saan nasungkit ni Marian ang Best Actress award para sa kaniyang pelikulang "Balota."

Bukod kay Marian, nanalo ring Best Actress si Gabby Padilla para naman sa pelikulang "Kono Basho."

"Sa lahat po ng Teacher Emmy na matapang na ginagawa ang lahat para maproktetahan ang boto ng sambayanan kahit pa ang sarili nilang buhay ang malaan sa panganib. Teacher Emmy, para sa'yo 'to," ani Marian nang tanggapin ang parangal.

Events

Presyo ng ticket concert ni Olivia Rodrigo sa Pilipinas, nagpa-wow sa fans

Si Teacher Emmy ang karakter na ginampanan ni Marian sa 'Balota.' Siya ay isang mahigpit ngunit tanyag na guro sa isang maliit na bayan. Itinalaga siya bilang isa mga Board of Election Inspectors para sa kanyang lokal na presinto. Nang magkaroon ng kaguluhan, tumakbo siya sa kagubatan na may dalang ballot box na naglalaman ng huling kopya ng resulta ng halalan.

Nauna na ring ibinahagi ni Marian sa isang ulat ng GMA News kung ano ang pagkakapareho nila ng karakter na ginampanan niya.

"Una sa lahat, pangarap ko maging teacher. Sabi ko naman kung hindi ako artista-sa mga past interview ko-pangarap ko talagang maging teacher. Pangalawa, nanay ako at gano'n kasi ako sa mga anak ko, gano'n ka-close sa mga anak ko. At siguro, 'yung pagiging determinado ni Teacher Emmy. Kilala n'yo naman ako in showbiz, sobrang transparent ko. What you see is what you get," saad ng primetime queen.

"Sasabihin ko kung ano talaga 'yung nararamdaman ko at kung ano'ng gusto kong sabihin nang walang filter, gano'n si Teacher Emmy e. Basta makakabuti para sa lahat, siguro sa akin, gagawin ko makakabuti para sa pamilya ko, sa mga anak ko, sa mga kaibigan ko, lahat 'yun gagawin ko para sa kanila. Siguro 'yung sobrang mapagmahal ni Teacher Emmy to the point na hindi niya naiisip 'yung sarili niya basta maging safe at save niya lahat," dagdag pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Bonggang birthday gift!' Marian Rivera, 'Best Actress' sa Cinemalaya 2024