Pinaalalahanan ni Filipino weightlifter Hidilyn Diaz ang kaniyang mga kapwa atleta na nagmula sa Diyos ang lahat ng kanilang mga tinatamasang tagumpay.
Sa isang Facebook post nitong Linggo, Agosto 11, ibinahagi ni Diaz ang kaniyang naging pagbisita sa Chapel of Our Lady of the Miraculous Medal sa Rue Du Bac sa Paris noong Agosto 6, 2024.
“Hindi ko makakalimutan ang Tokyo Olympics awarding kung saan sinuot ko ang Miraculous Medal kasama ang pinakaunang Olympic Gold ng Pilipinas,” ani Diaz.
“Dito sa Kapilyang ito nagpakita si Mama Mary kay St. Catherine Laboure at inatasan siyang ipalaganap ang Medalya Milagrosa. I offered a marble memorial at the chapel as a gesture of gratitude for winning the gold medal at the Tokyo 2020 Olympics.”
“Kasama ko ang aking asawa, si Coach Julius Naranjo, and also David Panlilio, who joined me in making an offering at the altar, Nagdasal ako at nagnilay sa mga sagradong lugar ng Kapilya,” dagdag niya.
Kaugnay nito, binanggit ng Filipino weightlifter na lagi niyang pinaaalalahanan ang kaniyang mga kapwa atleta na huwag kalimutang magpasalamat sa Diyos sa lahat ng mga biyaya at tagumpay na kanilang natatanggap.
“I would always remind athletes na ang success natin ay galing sa Diyos, and we must never forget to give thanks to Him for all the blessings and graces na natatanggap natin,” ani Diaz.
“Gusto ko magpasalamat sa mga Filipino Sisters ng Daughters of Charity who manage the Chapel, for their warm welcome and care towards us, pati na din sa mga Seminarians of the Society of Foreign Missions of Paris who provided a tour of their seminary and assistance at the Chapel.”
“Let us always pray the words inscribed on the medal: ‘O Mary, conceived without sin, pray for us who have recourse to thee’,” saad pa niya.
Si Diaz ang kauna-unahang nakapagkamit ng ginto sa Philippine history noong 2020 Tokyo Olympics
Samantala, matatandaan namang sinundan si Diaz ni Pinoy gymnast Carlos Yulo sa pag-uwi ng gintong medalya matapos itong maging kampeon sa dalawang patimpalak sa ginanap na 2024 Paris Olympics.
BASAHIN: The Golden Boy: Si Carlos Yulo at kaniyang dalawang gintong medalya