September 13, 2024

Home BALITA National

'May resibo?' OVP, sinagot si Rep. Chua sa paghahanap kay VP Sara tuwing may kalamidad

'May resibo?' OVP, sinagot si Rep. Chua sa paghahanap kay VP Sara tuwing may kalamidad
OVP (Facebook); Rep. Joel Chua (MB file photo)

“Like and follow our OVP FB page para po updated kayo…”

Ipinakita ng tagapangulo ng disaster team ng Office of the Vice President (OVP) ang mga nagawa umano ng kanilang opisina tuwing may kalamidad matapos kuwestiyunin ni Manila 3rd district Rep. Joel Chua kung nasaan si Vice President Sara Duterte noong mga panahong kailangan daw siya ng mga Pilipino.

Sa isang Facebook post nitong Biyernes, Agosto 9, ibinahagi ni OVP disaster team head Eymard D. Eje ang pahayag ni Chua na nagtatanong kung nasaan daw si Duterte tuwing sinasalanta ang bansa ng mga kalamidad.

“Nasaan siya noong binubutas ng China Coast Guard ang rubber boats ng mga Pinoy at sinasagasaan sa dagat ang fishing boats ng ating mga mangingisda? Nasaan siya noong parating na ang Typhoon Carina, noong pumutok ang Mount Kanlaon, noong may bombang sumabog sa Mindanao State University, noong tinutuyot ng El Niño ang mga palayan? Nasaan siya noong kailangan siya ng mga Pilipinong sabi niya ay mahal niya?” giit ni Chua.

National

Quimbo sa rekomendasyong tapyasan proposed budget ng OVP: 'Trabaho lang po!'

Ang naturang pahayag ni Chua ay kasunod ng naging pahayag ni Duterte ng kaniyang pagpuna sa pamahalaan noong Miyerkules, Agosto 7.

“Joel Respall Chua Sir, sasagutin ko na po yung tanong nyo. Eto po ang detalye ng mga tugon ni VP, pakitingnan na lang,” sagot naman ni Eje sa mambabatas.

Sa naturang post ay makikita rin ang mga kopya ng datos ng mga natulungan daw ng OVP sa kanilang mga relief operation tuwing may kalamidad sa bansa, tulad ng nangyaring pananalanta ng bagyong Carina, El Niño phenomenon, at ang naging aksyon daw ng opisina ni Duterte nang maganap ang pagpapasabog sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi City noong Disyembre 2023.

“May I honorably and respectfully suggest you to like and follow our OVP FB page para po updated kayo. Yun pong ibang nabanggit ninyo e trabaho na po yata ng pangulo. Ako naman po ang magtatanong: Nasaan naman po kayo nung nangyari yang mga nabanggit nyo na yan? Salamat po,” giit pa ni Eje.

Habang sinusulat ito’y wala pa namang tugon o reaksyon si Chu sa naturang pahayag ng disaster team ng OVP.