Aminado ang Filipino boxer na si Nesthy Petecio na hindi rin niya alam kung bakit mas pinaboran ng mga hurado ang katunggaling Polish boxer na si Julia Szeremeta, subalit iginagalang niya kung anuman ang naging resulta ng kanilang pagtatapat sa 57kg women's boxing sa 2024 Paris Olympics.
Matapos magapi ay nasungkit ni Petecio ang bronze medal, na pang-apat na medalya ng Pilipinas mula sa panalo ni Carlos Yulo (dalawang gold medals) at Aira Villegas (bronze medal).
"Sobrang labo, sobrang labo talaga," saad niya sa panayam sa kaniya ng "One Sports" nitong araw ng Huwebes, Agosto 8.
"Pero 'yon 'yong nakikita nila eh so wala na tayong magagawa po. Pero grabe, wala siyang clear punch sa third round. 'Yong mga body shots ko, mga hook ko, pumapasok. Ewan ko. Hindi ko po alam 'yong anong nangyari. Siguro 'yon nga, hindi ko alam 'yong nakikitang side nila so sila na 'yon and nirerespeto ko 'yon," aniya pa.
Aminado rin ang boxer na akala niya, para sa kaniya na ang gabing ito, subalit hindi nga siya pinalad na makapag-uwi ng gintong medalya. Sa kabila nito, proud pa rin siya para sa sarili niya, pamilya, at bayan.
"Sobrang proud po ako na hanggang ngayon, lumalaban para sa bayan, sa pamilya, sa pangarap, and sa pangarap ko na ginto," pahayag pa niya sa panayam.
Kahit na hindi nasungkit ang gold ay mag-uuwi naman ng bronze medal si Petecio para sa Pilipinas.
Si Petecio ay silver medalist sa 2020 Tokyo Olympics para sa kategoryang women's featherweight.