Magsasagawa ulit ng tatlong araw na transport strike sa susunod na linggo ang transport group na Manibela.
Ito ay matapos ibasura ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. ang resolusyon ng Senado na nagrerekomenda ng pansamantalang suspensiyon sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) o Public Transport Modernization Program (PTMP).
Sa isang pulong balitaan nitong Huwebes, inanunsiyo ni Manibela president Mar Valbuena ang pagkakasa nila ng tigil-pasada mula Agosto 14-16, na natapat sa mga araw ng Miyerkules hanggang Biyernes.
“Sa susunod na linggo, magkakasa kami ng mga kilos protesta o kung hindi man, mga transport strike simula sa Miyerkules, Huwebes, at Biyernes sa susunod na linggo,” pahayag pa ni Manibela.
Dagdag pa niya, “Hindi po kami nananakot. Sa susunod na Miyerkules kung wala pong malinaw na direktiba galing Malacañang, Department of Transportation, o Land Transportation Franchising and Regulatory Board, kung papaano itong minorya na natitira, strike po kami.”
Matatandaang kamakailan ay nagpalabas ang Senado ng resolusyon na nagrerekomenda sa temporary suspension ng PUVMP na tinututulan naman ng mga transport cooperatives na tumalima sa programa.
Hindi rin naman pinaburan ng pangulo ang resolusyon na nilagdaan ng 22 senador, at sa halip ay nanindigan sa kanyang suporta sa naturang modernization program.