Nagbigay ng reaksyon si Senador JV Ejercito sa naging pagpuna ni Vice President Sara Duterte sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Matatandaang sa kaniyang pahayag nitong Miyerkules, Agosto 8, iginiit ni Duterte na pinamumunuan umano ang bansa ng mga “taong walang katapatan sa trabahong sinumpaan.”
“Ang Pilipinas ngayon ay patuloy na nagugutom, naghihirap, at lumulubog nang dahil sa mga mapanlinlang para maupo sa pwesto,” ani Duterte sa kaniyang pahayag.
“Pagod na pagod na tayong makita ang bayan na napag-iiwanan, tinatrato na parang walang halaga, hindi kaaya-aya, at sunod-sunuran sa ibang lahi. We, Filipinos, deserve more than what we are hearing and seeing from the government right now. We, Filipinos, deserve better,” dagdag niya.
Kaugnay nito, sa isang press briefing nitong Huwebes, Agosto 8, na inulat ng Manila Bulletin, sinabi ni Ejercito na hindi umano masosolusyunan ang “napakaraming” suliranin ng Pilipinas sa tatlong taong pamumuno.
“Actually kung titignan talaga natin talagang napakarami talagang problema ng bansa. You can’t do that in two years, three years or even in one presidency,” ani Ejercito.
“Kaya nga what is more important, importante magtulong tulong tayo,” dagdag niya.
Samantala, ipinahayag din ng senador ang kaniyang pagkalungkot sa lamat umano ng samahan nina Marcos at Duterte.
“It’s really a sad development, what has been happening is that the No. 1 and No. 2 top positions are not united. It doesn’t send a very good signal internationally,” ani Ejercito.
“Syempre nagkakaroon ng doubts on our political stability if the top two officials are not united or don’t have a very good relationship. It’s a sad development an umabot sa ganito ang relasyon ng ating pangulo at pangalawang pangulo.”
“I’m hoping that they would still be able to repair or improve the relationship,” saad pa niya.
Matatandaang umusbong muli ang usap-usapan ng pagkakaroon ng lamat sa samahan nina Marcos at Duterte matapos bumaba ang huli sa kaniyang puwesto bilang kasapi ng gabinete.
MAKI-BALITA: VP Sara sa pagbibitiw bilang DepEd Secretary: ‘Hindi lulan ng kahinaan’
Hindi rin dumalo at maging nanonood si Duterte kamakailan sa State of the Nation Address (SONA) ni Marcos.
MAKI-BALITA: Hindi dadalo: VP Sara, 'di rin papanoorin SONA ni PBBM sa TV, gadgets