September 19, 2024

Home SPORTS

Mudra ni Carlos Yulo, aminadong may tampo pero masaya sa tagumpay ng anak

Mudra ni Carlos Yulo, aminadong may tampo pero masaya sa tagumpay ng anak
Photo courtesy: Screenshot from 24 Oras (YouTube/GMA Integrated News)/Manila Bulletin Sports (FB)

Inamin ng nanay ni two-time Olympics gold medalist Carlos Yulo na si Angelica Yulo na may tampuhan sila ng anak, subalit masaya raw siya sa tagumpay na tinatamasa nito ngayon sa men's artistic gymnastics ng 2024 Paris Olympics.

Sa ulat ni Sandra Aguinaldo ng "24 Oras" sa GMA Network, laging special mention ni Carlos ang kaniyang amang si Mark Andrew Yulo kapag nagpapasalamat siya sa mainit na mga papuri at suporta sa kaniyang pagkapanalo.

MAKI-BALITA: Tatay ni Carlos Yulo, nakiusap sa anak na mag-usap na sila ng nanay, mga utol niya

Bukod dito, naging usap-usapan din sa social media ang tila hindi pagpo-post ni Angelica at pagpapakita ng suporta sa kaniyang anak sa laban nito; sa katunayan, naibuking ng tatay sa isang panayam na tulog ang kaniyang misis nang lumaban na si Carlos at manalo na, kaya hindi niya napanood ang laban.

Carlos Yulo, sumilip sa live selling ng ina?

Sa panayam naman kay Angelica, inamin niyang may tampo siya sa anak dahil sa mga nabanggit ni Caloy kaugnay sa usaping pera.

"'Yong tungkol sa perang ninakaw ko, nilustay, winaldas sa luho ko, sinabi ko sa kanila na walang halong katotohanan lahat, so kung sa ano ni Caloy, kung sa perception niya ay meron, sabi ko nga sa kaniya willing akong maglabas ng mga evidences, ng mga deposit slips, na meron ako ngayon," tila emosyunal na pahayag ni Angelica.

Inamin ng ina na totoong masama ang loob niya sa sariling anak dahil sa mga umano'y paratang na ito.

"Masama ang loob ko, parang siyempre no, nando'n 'yong pain eh. Na parang sabihan ka ng anak mo na magnanakaw, na parang gusto kong sabihin, 'Asan 'yong ninakaw?' Na parang gano'n pa rin naman kami, tulad ng dati, noong hindi pa siya nagkakapera. Noong nagkapera siya, walang nagbago sa lifestyle namin," dagdag pa.

Kahit na may tampo, sinabi ni Angelica na masaya siya sa tagumpay na tinatamasa ngayon ng anak.

"Pangarap niya 'yan eh. So sabi ko nga, no'ng nag-uusap kami, kung manalo siya good for him. Nag-paid off lahat ng mga sacrifices niya."

Natanong din kung magkakaayos pa sila ni Caloy. Aniya, "Depende 'yan eh. Kasi kung ako 'yong lalapit, hindi ko talaga gagawin. Especially now sa mga nangyayari, baka mamaya [sabihan] ako na porket nanalo, na parang 'di ba, o after kami sa pera kasi nanalo... No," aniya.

Wala pa raw tugon, reaksiyon, o pahayag si Carlos patungkol sa mga pahayag ng ina.

MAKI-BALITA: Pasabog! Ermat ni Carlos Yulo, sinisisi ang jowa ng anak kaya nagkagalit sila?

MAKI-BALITA: Dahilan ng sigalot? Jowa ni Carlos Yulo, pinalagan ang 'future mother-in-law'