Niyanig ng magnitude 4.8 na lindol ang probinsya ng Surigao del Sur habang magnitude 4.0 naman sa Isabela nitong Lunes ng madaling araw, Agosto 5, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Base sa tala ng Phivolcs, parehong tectonic ang pinagmulan ng dalawang lindol.
Nangyari ang 4.8-magnitude na lindol sa Surigao del Sur kaninang 3:12 ng madaling araw.
Namataan ang epicenter nito 78 kilometro ang layo sa timog-silangan ng Lingig, Surigao del Sur, na may lalim na 4 kilometro.
Ito raw ay isang aftershock ng magnitude 6.8 na lindol na yumanig sa Surigao del Sur noong Sabado, Agosto 3, 2024.
MAKI-BALITA: Surigao del Sur, niyanig ng magnitude 6.8 na lindol; walang tsunami threat sa PH
Samantala, tumama ang magnitude 4.0 na lindol sa Isabela dakong 3:53 ng madaling araw.
Namataan naman ang epicenter nito 44 kilometro ang layo sa hilagang-silangan ng Divilacan, Isabela, na may lalim na 27 kilometro.
Wala namang inaasahan ang Phivolcs na posibleng aftershocks ng dalawang lindol.
Hindi rin daw inaasahang magdudulot ng pinsala ang nasabing mga pagyanig.