Trending sa X ang dating Kapuso singer na si Gerald Santos matapos siyang magsalita patungkol sa naranasang pangmomolestya sa dating pinagmulang TV network.
Sa isinagawang vlog, sinumbatan ni Gerald ang mga netizen na nagsasabing mag-move on na raw siya dahil matagal na ang isyung ito, at tila nakikisakay raw siya sa paglantad ng Sparkle artist na si Sandro Muhlach matapos ireklamo ang GMA independent contractors na sina Jojo Nones at Richard Cruz.
Aniya, iyan daw ang puno't dulo kung bakit pinipili na lamang ng mga biktima na magkubli at huwag isiwalat ang katotohanan dahil sa mga taong mapanghusga.
"Move on? 'Yang ganiyang mindset ng mga tao ang dahilan kung bakit po natatakot 'yong mga katulad ko, 'yong mga katulad ni Mr. Sandro (Muhlach) at 'yong iba pang mga biktima na magsalita," ani Gerald.
"Gano'n po ba kadali 'yon, na i-reveal? Hindi po ninyo, hindi ninyo personal na naramdaman at naranasan 'yong naranasan namin," giit pa niya. "Ang daling sabihin na move on."
Ganiyan din umano ang sinabi sa kaniya ng executives ng isang TV network matapos niyang ireklamo ang naranasan sa isang empleyadong nangmolestya sa kaniya rito.
"'Yan exactly 'yong time na 'yon, alam n'yo no'ng inireklamo ko ito, doon sa network, may mga executives kaming kinausap, ako at si Kuya Rommel, ang aking manager, iyan ang statements nila before. Na move on. Even 'yong mga hindi executives na mga kakilala namin, 'yon 'yong minset na mali, mali po," dagdag pa niya.
Hangad ni Gerald na sana raw ay gumawa ng mas may ngipin na rules and regulation ang network para mapangalagaan ang mga baguhang artistang gaya nila na pinagsasamantalahan ng "sex predators" sa loob ng network.
Gerald Santos - Ito na po ang aking video statement about the... | Facebook
Matatandaang nakisimpatya si Gerald kay Sandro sa pamamagitan ng isang Facebook post.
Si Gerald Santos ay produkto ng isang singing competition na "Pinoy Pop Superstar" noong 2006 at naging bahagi ng musical variety show ng GMA Network.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang pamunuan ng GMA Network patungkol dito.
MAKI-BALITA: Sandro Muhlach, diring-diri sa ginawa ng GMA independent contractors