Patuloy pa ring nakaaapekto ang southwest monsoon o habagat sa kanlurang bahagi ng Visayas at Mindanao, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado, Agosto 3.
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdudulot ang habagat ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Western Visayas, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, at Palawan.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, malaki naman ang tsansang makaranas ng medyo maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.
Posible rin daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa nasabing mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).