December 13, 2024

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Arnold Clavio, nagsalita tungkol sa talamak na 'sexual harassment' sa showbiz

Arnold Clavio, nagsalita tungkol sa talamak na 'sexual harassment' sa showbiz
Photo courtesy: Via GMA Network/Arnold Clavio (IG)

Nagbigay ng kaniyang saloobin ang GMA news anchor na si Arnold Clavio patungkol sa talamak na palasak na "sexual harassment" na sadyang nangyayari daw talaga sa mundo ng showbiz, lalo na sa mga nagnanais na maging artista.

Kaugnay ito sa napabalitang "panghahalay" sa Sparkle artist na si Sandro Muhlach ng dalawang gay independent contractors ng GMA Network, sa araw na naganap ang GMA Gala noong Hulyo 20.

Sinimulan ni Igan ang kaniyang Instagram post sa pamamagitan ng quote mula sa American writer na si Celeste Ng.

"If you see harassment happening, speak up. Being harassed is terrible; having bystanders pretend they don’t notice is infinitely worse.”

Tsika at Intriga

Ogie Diaz, umalma na 'napahiya konti' siya dahil sa movie poster

Sey pa ni Clavio, "Sa Industriya ng Showbiz sa Pilipinas, marami na ang nababalitaan ng ‘sexual harassment’ lalo na sa mga nagnanais maging artista."

"Ang pagpayag sa pabor o gusto ng isang may kapangyarihan para sa isang baguhan ang pinakamadaling paraan na makamit ang kanyang pangarap. Kalimitan dito ay sekswal na pang-aabuso, sa babae man o sa lalaki."

"Tali ang kamay ng mga biktima na tumanggi sa paniwalang di sila magtatagumpay sa piniling career. Kaya karamihan, masakit man sa kalooban, ay maituturing na willing victim o sumasang-ayon na lang."

"Pero may isa pang problema ang tila pagtanggap sa maling kalakarang ito. Pinipili ng ilan na manahimik dahil ayaw na mapahiya, sa kanyang pamilya o sa publiko."

"Sa ganitong situwasyon, ang predator ang may koneksyon o may protektor, para hindi magtagumpay ang anumang reklamo."

Naniniwala umano si Igan na panahon para mahinto ang ganitong klaseng kalakaran sa showbiz.

"Kailangan na itong matigil!!!"

"Kailangan na ang isang malaganap na kampanya para sa kamalayan laban sa sexual abuse, sexual harassment at maging sa kultura ng panggagahasa."

"Ipakita dapat ng buong industriya ang suporta kung saan ipinapahayag ng mga biktima ang kanilang mga karanasan sa sekswal na pang-aabuso."

"Ang suportang ito ang magbibigay ng kapangyarihan sa mga nakaranas ng sekswal ba pag-atake sa pamamagitan ng pakikiramay at pagkakaisa at makita na ito ay isang malalang problema at hindi paisa-isang kaso lamang."

"Kung ang lahat ng biktima ay magkakaisa tiyak na kikilos ang buong industriya para ito ay wakasan:"

"Para sa mga naging biktima, hindi ka nag-iisa at hindi ka dapat mahiya."

"Para sa nakararanas ng ganitong mapait na situwasyon, may karapatan kang tumanggi nang pag-aalinlangan o takot sa iyong magiging kinabukasan."

"At tayong lahat ay may responsabilidad para ito ay matigil na. Lumantad, lumabas, mag-ingay ang sinuman sa atin na nakasaksi o may nalalaman na naganap na sekswal na pang-aabuso o panggigipit."

Sa comment section ng kaniyang post ay nagpatuloy pa si Clavio.

"Sapat ang batas at kailangan lang ay pagkakaisa ng lahat, hindi lang sa industriya ng showbiz kundi sa lahat ng lugar ng iyong trabaho."

"Isang malakas na sigaw ng 'AYOKO!' ang iparating natin sa mga hinayupak na mapagsamantala sa kahinaan ng iba."

Bilang empleyado ng Kapuso Network ay sinabi ni Clavio na sineseryoso ng kanilang network ang mga ganitong usapin.

"At sa gitna ng ugung-ugong na sangkot ang dalawang executive ng GMA Network, Inc. sa ganitong akusasyon laban sa isang aktor, nagpalabas na sila ng statement."

MAKI-BALITA: GMA Network, nakatanggap ng reklamo mula kay Sandro Muhlach

"'Wala pa kaming natatanggap na pormal na reklamo mula sa mga sinasabing sangkot sa isyu. Kung may isampa, ang network ay nakatuon sa pagsasagawa ng masinsinan at walang kinikilingan na pagsisiyasat.'"

"Tinitiyak namin sa publiko na sineseryoso ng GMA Network ang mga ganitong bagay. Walang Personalan!" aniya pa.