Bahagya pang lumakas ang Typhoon Carina, dahilan kaya’t itinaas na sa Signal No. 2 ang malaking bahagi ng lalawigan ng Batanes, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) dakong 11:00 ng umaga nitong Martes, Hulyo 23.
Base sa tala ng PAGASA, huling namataan ang bagyong Carina sa layong 320 kilometro sa silangan ng Basco, Batanes o 405 kilometro sa Aparri, Cagayan.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 140 kilometers per hour malapit sa sentro, at pagbugsong aabot sa 170 kilometers per hour.
Kasalukuyan itong kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometers per hour.
Dahil dito, itinaas na ang Signal No. 2 sa malaking bahagi ng Batanes, partikular na sa Itbayat, Basco, Mahatao, Uyugan at Ivana.
“Minor to moderate impacts from strong winds are possible within any of the localities where Wind Signal No. 2 is hoisted,” paalala ng PAGASA.
Nakataas naman sa Signal No. 1 ang mga sumusunod:
Mga natitirang bahagi ng Batanes (Sabtang)
Cagayan kabilang na ang Babuyan Islands
Eastern portion ng Isabela (Divilacan, Palanan, Maconacon, Dinapigue, Tumauini, Ilagan City, San Mariano, Cabagan, San Pablo, Santa Maria)
Northern portion ng Apayao (Calanasan, Luna, Pudtol, Flora, Santa Marcela)
Northern portion ng Ilocos Norte (Pagudpud, Bangui, Adams, Dumalneg, Burgos, Vintar)
Northern portion ng Aurora (Dilasag, Casiguran)
Polillo Islands
Calaguas Islands
Northern portion ng Catanduanes (Pandan, Bagamanoc, Panganiban, Viga, Gigmoto, Caramoran)
“Minimal to minor impacts from strong winds are possible within any of the areas under Wind Signal No. 1,” saad din ng weather bureau.
Ayon pa sa PAGASA, nananatiling malayo ang sentro ng bagyo sa kalupaan ng bansa.
Posible naman daw itong mag-landfall sa hilagang bahagi ng Taiwan sa pagitan ng Miyerkules ng gabi, Hulyo 24, at Huwebes ng umaga, Hulyo 25, saka lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) pagkalipas ng ilang oras.
Sa labas ng PAR ay inaasahang tatawid ang bagyo sa Taiwan Strait at magla-landfall sa southeastern China sa Huwebes ng tanghali o gabi.