Mas lumakas pa ang Severe Tropical Storm Carina, dahilan kaya’t itinaas na ang Signal No. 1 sa tatlong lugar sa Luzon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes, Hulyo 22.
Sa tala ng PAGASA kaninang 11:00 ng umaga, huling namataan ang bagyong Carina sa layong 355 kilometro sa silangang bahagi ng Tuguegarao City, Cagayan.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 110 kilometers per hour malapit sa sentro, at pagbugsong aabot sa 135 kilometers per hour.
Kasalukuyan itong kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometers per hour.
Dahil dito, itinaas na sa Signal No. 1 ang mga sumusunod:
Batanes
Eastern portion ng mainland Cagayan (Santa Ana, Gattaran, Baggao, Peñablanca, Lal-Lo, Gonzaga) kabilang na ang eastern portion ng Babuyan Islands (Camiguin Is., Babuyan Is.)
Northeastern portion ng Isabela (Divilacan, Palanan, Maconacon)
“Minimal to minor impacts due to strong winds may be experienced within any of the localities where Wind Signal No. 1 is hoisted,” anang PAGASA.
Ayon pa sa weather bureau, posibleng mas lumakas pa ang bagyong Carina at itaas sa “typhoon” category sa loob ng 24 oras.
Mananatili naman daw na malayo sa kalupaan ng bansa ang bagyo, at inaasahan itong lalabas ng Philippine area of responsibility (PAR) sa Miyerkules ng gabi, Hulyo 24, o Huwebes ng madaling araw, Hulyo 25.