Tila hindi napigilan ni Senador Risa Hontiveros na mapa-react sa naging mahabang Facebook post ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, ilang araw matapos nitong hindi magpakita sa mga naging pagdinig ng Senado.
Matatandaang noong Biyernes, Hulyo 12, nang mag-post si Guo ng mahabang mensahe tungkol sa kaniya umanong pinagdadaanan.
Ayon kay Guo, labis siyang nasaktan ng politika ngunit hindi raw siya nagsisising pasukin ito.
MAKI-BALITA: Kahit 'nasaktan nang husto': Alice Guo, 'di nagsisising pumasok sa politika
Sa naturang post ay muli ring iginiit ng suspendidong alkalde na isang siyang Pilipino at mahal daw niya ang Pilipinas.
MAKI-BALITA: Alice Guo, muling iginiit na isa siyang Pinoy: 'Mahal na mahal ko ang Pilipinas'
Sa isa namang Facebook post nitong Lunes, Hulyo 15, iginiit ni Hontiveros na kung nakakapag-Facebook daw si Guo, dapat umanong humarap din siya sa Senado.
“Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping: Kung nakakapag-Facebook ka, siguro naman kaya mo nang humarap sa Senado. Ginamit mo pa ang Facebook para sa pagpapakalat ng fake news na Pilipino kayo. Hindi ka Pilipino. Ang titibay na ng ebidensya,” ani Hontiveros.
“Nakakainsulto sa mamamayan na ginamit mo ang nasyonalidad namin para magpayaman, manloko, at magpasok ng mga POGO na puro krimen ang dala sa bansa,” saad pa niya.
Matatandaang noong Hunyo 27, 2024 nang ianunsyo ni Hontiveros na kinumpirma na ng National Bureau of Investigation (NBI) na nag-match ang fingerprints ni Guo at ng nabanggit niyang Chinese national na “Guo Hua Ping.”
MAKI-BALITA: NBI, kinumpirmang iisa lang si Alice Guo at Guo Hua Ping -- Hontiveros
Samantala, noon lamang Sabado, Hulyo 13, nang ilabas ng Senado ang arrest order laban sa alkalde dahil sa hindi raw niya pagdalo sa mga pagdinig ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality noong Hunyo 26, 2024 at Hulyo 10, 2024 kaugnay ng na-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Bamban.
MAKI-BALITA: Senado, naglabas na ng arrest order vs Alice Guo
Kaugnay nito, sa kasalukuyan ay hindi pa rin nahahanap ng mga awtoridad si Guo matapos suyurin ang mga lugar na posible nitong pagtaguan.