January 09, 2025

Home BALITA Metro

Halos 300 Manilenyong may kanser at nagda-dialysis, natulungan ng Manila LGU

Halos 300 Manilenyong may kanser at nagda-dialysis, natulungan ng Manila LGU

Umabot sa halos 300 Manilenyong may kanser at sumasailalim sa dialysis ang nabigyan ng tulong ng Manila City Government.

Nabatid nitong Linggo na ang naturang tulong ay personal na ipinagkaloob ni Manila Mayor Honey Lacuna sa idinaos na regular na "People's Day" sa Bulwagang Villegas sa Manila City Hall kamakailan.

Bukod sa tulong pinansiyal, personal ding inalam ng alkalde, na isa ring doktor, ang kondisyon ng mga benepisyaryo at tiniyak na sila ay tutulungan ng pamahalaang lungsod upang makaahon sa kanilang kalagayan.

Ang ‘People's Day' ay isang programa na binuo ni Lacuna bilang venue sa pagtulong sa mga cancer at kidney patients, na parehong nangangailangan ng mahal na gamutan.

Metro

Mga deboto ng Jesus Nazareno, maaaring sumakay sa LRT-1 nang nakayapak

Daan-daan na ang nakinabang mula sa bawat programa na isinagawa at ang mga recipients ay inirerekomenda ng kani-kanilang barangays.

Bukod dito, tinitiyak din ni Lacuna na mabibisita ang mga matatandang bedridden na. Kinakausap niya ang mga ito ng personal at inaabutan ng mga kinakailangang tulong, sa kanyang personal na kapasidad.

Si Lacuna ay sinasamahan rin ni Vice Mayor Yul Servo sa pagdaraos ng kanilang lingguhang "Kalinga sa Maynila" program kung saan ang lungsod ay nagkakaloob ng mga pangunahing serbisyo, diretso sa mga komunidad.

Pinaglalaanan din naman ni Lacuna ng oras ang paghahatid ng cash incentives para sa mga centenarians sa pamamagitan nang direktang pagbisita sa mga ito, sa kanilang mga tahanan.