January 26, 2025

Home BALITA National

Matapos mahuli isang akusado: Pinagtataguan nina Quiboloy, lumiliit na -- Abalos

Matapos mahuli isang akusado: Pinagtataguan nina Quiboloy, lumiliit na -- Abalos
Photo courtesy: PNP/FB screengrab; MB file photo

Ipinahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na lumiliit na ang mga lugar na pinagtataguan nina Pastor Apollo Quiboloy matapos mahuli ng mga awtoridad ang isa nitong kapwa-akusado.

Sa isang press conference nitong Biyernes, Hulyo 12, inanunsyo ni Abalos na naaresto na ang isang kapwa-wanted ni Quiboloy sa kasong qualified human trafficking at child abuse na kinilalang si Paulene Canada nitong Huwebes, Hulyo 11, dakong 1:00 ng hapon, sa bisa ng isang warrant of arrest.

MAKI-BALITA: Isang kapwa-wanted ni Quiboloy, arestado na!

Kaugnay nito, iginiit ni Abalos na hindi sila titigil para mahuli na rin si Quiboloy at apat na iba pa nitong umano’y kapwa-akusado.

National

Dahil sa Isra Wal Mi’raj: Enero 27, Muslim holiday — Malacañang

"Lumiliit na ho ang mga pinagtataguan ninyo. Lumiliit na ang mga lugar na ito dahil hindi ho titigil ang kapulisan, ang military, ang buong pwersa ng gobyerno para kayo ay dakipin,” anang DILG chief.

"Please, kung talagang wala kayong kasalanan, sumuko na kayo. Ganoon lang po kasimple ito," dagdag pa niya. 

Matatandaang kamakailan lamang ay hinamon din ni Abalos si Quiboloy na kung talagang wala raw itong kasalanan ay sumuko ito at patunayan sa korte.

MAKI-BALITA: Abalos, hinamon si Quiboloy: 'Wala kang kasalanan? Sumuko ka!'

Sinabi ito ni Abalos matapos niyang ianunsyong bibigyan ng ₱10 milyong pabuya ang sinumang makapagbibigay ng impormasyong magiging dahilan ng pagka-aresto kay Quiboloy.

Samantala, isang milyon naman ang pabuya sa mga bawat kapwa-akusado ni Quiboloy, kabilang na si Paulene Canada.

MAKI-BALITA: P10M pabuya, ibibigay sa makapagtuturo kay Quiboloy -- Abalos