December 23, 2024

Home BALITA National

Palarong Pambansa, patunay ng pagtindig ng DepEd sa mga estudyante -- VP Sara

Palarong Pambansa, patunay ng pagtindig ng DepEd sa mga estudyante -- VP Sara
Courtesy: VP Sara Duterte/FB

Ipinahayag ni outgoing Department of Education (DepEd) Secretary at Vice President Sara Duterte na ang Palarong Pambansa 2024 ay isang patunay ng paninindigan at dedikasyon ng DepEd para sa mga mag-aaral.

Sa isang pahayag nitong Martes, Hulyo 9, sinabi ni Duterte na ang Palarong Pambansa ay isang tradisyon ng DepEd na “may malalim at makabuluhang papel sa paglinang ng ating mga mag-aaral at paghahanda para sa mas malalaking kompetisyon sa buhay.”

“Kasabay ng pagbubukas ng Palarong Pambansa 2024 sa Cebu City ngayong araw ay ang aking dasal at hangarin para sa tagumpay ng ating mga layunin na maisulong ang akma, napapanahon, at dekalidad na edukasyon para sa mga kabataang Pilipino,” pahayag ni Duterte.

“Ang Palarong Pambansa 2024 ay nagpapatunay sa paninindigan at dedikasyon ng DepEd para sa ating mga mag-aaral. Kinikilala din natin ang iba’t ibang mga sektor na tumulong sa DepEd para muli nating maisagawa ito ngayong taon,” dagdag niya.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Nagpasalamat din ang DepEd chief sa lahat ng mga bahagi ng Palarong Pambansa 2024 lalo na raw sa Cebu City, at sa mga lokal na pamahalaan sa Cebu at maging sa buong bansa.

“Sa ating mga atleta, dito ay hindi kayo uuwing talo — dahil ang inyong partisipasyon sa ating mga kompetisyon ay isa nang tagumpay para sa bawat isa sa inyo,” ani Duterte.

“Baunin sana ninyo ang mga leksyon ng pakikipagkaibigan, disiplina, pagpupursige, at katatagan para sa katuparan ng inyong mga pangarap,” saad pa niya.

Matatandaang noong Hunyo 19, 2024 nang ianunsyo ni Duterte ang kaniyang pagbibitiw bilang kalihim ng DepEd.

MAKI-BALITA: VP Sara sa pagbibitiw bilang DepEd Secretary: ‘Hindi lulan ng kahinaan’

Matapos ito, noong Hulyo 2, 2024 naman nang ianunsyo ng pamahalaan ang pagtalaga kay Senador Sonny Angara bilang bagong DepEd chief.

MAKI-BALITA: Sen. Sonny Angara, itinalaga bilang bagong DepEd secretary

Inaasahang magsisimula papalitan si Duterte ni Angara sa DepEd sa darating na Hulyo 19, 2024.

KAUGNAY NA BALITA: Matapos magbitiw bilang kalihim: VP Sara, tutok sa pag-turn over ng DepEd