October 06, 2024

Home BALITA Metro

Pagbangga ng private vehicle sa trailer truck, kumitil ng buhay

Pagbangga ng private vehicle sa trailer truck, kumitil ng buhay
MB PHOTO BY ARNOLD QUIZOL

Patay ang isang driver matapos na bumangga ang minamaneho niyang multi-purpose vehicle (MPV) sa isang nakaparadang trailer truck sa Tondo, Manila nitong Lunes ng umaga.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima na inilarawang nagkaka-edad lamang ng hanggang 50-anyos at nakasuot ng striped na polo.

Batay sa ulat ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), nabatid na dakong alas-8:30 ng umaga nang maganap ang aksidente sa northbound ng Mel Lopez Boulevard, malapit sa kanto ng Moriones St., sa Tondo.

Lumilitaw sa imbestigasyon na minamaneho ng biktima ang itim na Mitsubishi expander (NGX 5776) sa northbound lane ng Mel Lopez Blvd.

Metro

Iskedyul para sa Undas, maagang inilabas ng Manila North Cemetery

Gayunman, pagsapit sa kanto ng Moriones St. ay bigla na lang umano itong sumalpok sa nakaparadang trailer truck, na may plakang AAR 2235, ng driver na si Jomar Generaldo, ng Malinta, Valenzuela City.

Dahil sa tindi ng impact nang pagkakabangga, yupi ang harapang bahagi ng MPV, na nagresulta sa agarang pagkamatay ng driver nito.

Sinasabing ipinarada ng driver ang truck sa naturang lugar upang matulog at magpahinga sana.