January 22, 2025

Home BALITA National

Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, apektado ng ITCZ

Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, apektado ng ITCZ
Courtesy: PAGASA/FB

Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Biyernes, Hulyo 5, na ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) ang kasalukuyang nakaaapekto sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdudulot ang ITCZ ng maulap na kalangitan na may mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Visayas, at Zamboanga Peninsula.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Bukod dito, inaasahan ding magdudulot ang ITCZ ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms sa mga natitirang bahagi ng Mindanao. Maaari rin ang pagbaha o paggulo ng lupa rito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

National

PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?

Samantala, inihayag din ng PAGASA na nakaaapekto naman ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, sa Aurora at Quirino, kung saan posible rin dito ang kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms.

Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong mga pag-ulan o thunderstorms naman ang posibleng maranasan sa Cagayan Valley at mga natitirang bahagi ng Central Luzon dahil sa easterlies, maging sa mga natitirang bahagi ng bansa dahil naman sa localized thunderstorms.

Posible rin daw ang mga pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na bagyo o low pressure area (LPA) sa loob man o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).