Kinuwestiyon ni Senate President Chiz Escudero ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) dahil palagi raw kulang ang ibinibigay nitong umento sa sahod.
"Bakit nga ba palaging kulang ang binibigay na umento ng RTWPB? Ni minsan ay hindi pa sila tumama mula nang nilikha ang ahensyang 'yan. Saan ba sila bumibili ng bigas? Nag-grocery? Nag-palengke? Pa-share naman kamo kasi baka sobrang mura dun at kasya ang dagdag na ₱35 sa sahod na binigay nila," sabi ni Escudero nitong Martes, Hulyo 2.
Para kasi sa senate president, kulang at malayong matugunan ng dagdag ₱35 ang tunay na pangangailangan ng mga Pilipino dahil nahaharap ngayon ang bansa sa mataas ng presyo ng bilihin.
"Maliwanag na kulang at malayo na matugunan ang tunay na mga pangangailangan ng ating mga kababayan sa gitna ng mataas na presyo ng bilihin," dagdag pa niya.
BASAHIN: Dahil mataas presyo ng bilihin: ₱35 umento sa sahod sa NCR, kulang—Escudero
Sa naturang pagtaas ng minimum wage, magiging ₱645 ang sahod ng mga non-agriculture workers sa pribadong sektor, habang ₱608 naman sa agriculture workers, sa service and retail establishments na may 15 o mas mababang bilang ng manggagawa, at manufacturing establishments na hindi tataas sa 10 manggagawa.