October 10, 2024

Home BALITA

Model, may isiniwalat laban sa Israeling jowa ng nawawalang kontesera

Model, may isiniwalat laban sa Israeling jowa ng nawawalang kontesera
Photo courtesy: Irish Marimla (FB)/Screenshot from TV Patrol/ABS-CBN News

Usap-usapan ang naging Facebook post ng isang nagngangalang "Irish Marimla" tungkol sa Israeli boyfriend ng beauty pageant candidate na si Geneva Lopez na napaulat na ilang araw nang nawawala sa hindi pa matukoy na dahilan.

Ayon sa post, tila naka-engkuwentro na raw niya ang Israeli na si "Yitshak Cohen" na nag-alok umano sa kaniya ng trabaho sa pamamagitan ng mensahe sa kaniyang Instagram account.

Ngunit nag-insist daw ang Israeli na magkita sila upang ipakilala sa kaniya ang kaniyang kompanya o negosyo. Pumayag naman daw si Marimla.

Nang pumayag si Marimlang makipagkita at habang sila ay nasa isang coffee shop, kinutuban na raw siyang may balak sa kaniya ang lalaki na dalhin siya sa tinutuluyan nito, at hindi lamang trabaho o negosyo ang pakay.

Metro

College student na suma-sideline bilang rider para sa pamilya, patay sa pamamaril

Kaya sa nabanggit na post, makikita ang isang video kung saan isang babae ang napahandusay sa sementadong kalsada matapos pilitin ng Israeling sumakay siya sa pulang kotse nito.

Habang isinusulat ang balitang ito ay burado na ang nabanggit na viral Facebook post. Dahil hindi pa natatagpuan si Cohen at girlfriend na si Lopez na parehong napaulat na nawawala, hindi pa niya napabubulaanan o nakukumpirma ang mga alegasyon ni Marimla.

Napaulat na sa Balita na parehong nawawala ang magkasintahang Mutya ng Pilipinas Pampanga 2023 candidate at Israeli boyfriend simula pa noong Hunyo 21, na naninirahan sa Barangay Malabanias, Angeles City, Pampanga.

Ayon sa ulat ng kapulisan ng Angeles City, na iniulat naman sa TV Patrol, nagpaalam daw ang magkasintahan sa kanilang mga kaanak na magsasadya sila sa Capas, Tarlac upang makipagkita sa isang naka-transaksyon nila patungkol sa isang property, noon pang 2021. Ang nabanggit daw na katatagpuin ng dalawa ay nagngangalang "Michael Angelo Guiang."

Simula raw nang umalis ang dalawa, hindi na raw sila makontak at hindi na rin nagpapadala ng mensahe o tawag sa kanila, kaya labis nang nag-aalala ang kanilang mga kaanak.

Samantala, iniulat din ng mga kaanak ni Lopez na natagpuang sunog ang sasakyang minaneho ni Cohen nang umalis sila patungong Capas. Natagpuan sa loob ng sunog na sasakyan ang ilang mga dokumentong nakapangalan kay Lopez.

Kaya naman, ayon kay Angeles City Police Chief Colonel Amado Mendoza, pinag-aaralan na nila ang lahat ng CCTV footage na kuha sa nabanggit na area upang matukoy kung sino ang sumunog ng kanilang natagpuang sasakyan.

Hanggang sa kasalukuyan, wala pang updates mula sa mga awtoridad kung natagpuan na ba ang magkasintahan.

MAKI-BALITA: Beauty pageant candidate sa Pampanga at jowang Israeli, parehong nawawala