Napaulat na parehong nawawala ang magkasintahang Mutya ng Pilipinas Pampanga 2023 candidate Geneva Lopez at Israeli boyfriend na si Yitshak Cohen simula pa noong Hunyo 21, na naninirahan sa Barangay Malabanias, Angeles City, Pampanga.

Ayon sa ulat ng kapulisan ng Angeles City, na iniulat naman sa TV Patrol, nagpaalam daw ang magkasintahan sa kanilang mga kaanak na magsasadya sila sa Capas, Tarlac upang makipagkita sa isang naka-transaksyon nila patungkol sa isang property, noon pang 2021. Ang nabanggit daw na katatagpuin ng dalawa ay nagngangalang "Michael Angelo Guiang."

Simula raw nang umalis ang dalawa, hindi na raw sila makontak at hindi na rin nagpapadala ng mensahe o tawag sa kanila, kaya labis nang nag-aalala ang kanilang mga kaanak.

Samantala, iniulat din ng mga kaanak ni Lopez na natagpuan daw ang isang sunog na sasakyang hinihinalang kagaya ng sasakyang minaneho ni Cohen nang umalis sila patungong Capas. Natagpuan umano sa loob ng sunog na sasakyan ang ilang mga dokumentong nakapangalan kay Lopez.

Probinsya

Ibang pasabog yata? Granada, pasalubong ng senglot na mister kay misis

Kaya naman, ayon kay Angeles City Police Chief Colonel Amado Mendoza, pinag-aaralan na nila ang lahat ng CCTV footage na kuha sa nabanggit na area upang matukoy kung sino ang sumunog ng kanilang natagpuang sasakyan.

Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang updates mula sa mga awtoridad kung natagpuan na ba ang magkasintahan.

Matatandaang isang beauty queen din ang bigla na lamang nawala noong 2023 at hanggang ngayon ay patuloy pa ring hinahanap.

MAKI-BALITA: Kandidata ng Miss Grand Philippines 2023 ilang araw nang nawawala