Ang pangyayaring sa teleserye o pelikula lamang natin napapanood ay posible pa lang mangyari sa totoong buhay.

Tampok kamakailan sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) ang kwento nina Loaren “Beng” Campaner at Abel Jan Campaner mula sa Pitogo, Zamboanga del Sur.

Human-Interest

'Pagod na kong magluksa!' Nurse na isa-isang namatayan ng kapamilya, kinaantigan

Nagkakilala noong 2015 sina Beng at Jan sa pinagtatrabahuhang restaurant. Naging sila noong Abril 2017. At nitong Mayo 18, 2024, nag-isang dibdib ang dalawang magkasintahan.

Gayunman, sinubok agad ang kanilang buhay mag-asawa, dahil isang araw matapos ang kasal, hindi na maalala ni Jan ang kaniyang asawa, mga anak, at maging ang nangyaring kasalan.

Matapos daw ang kasal, hindi nagkasundo umano si Beng, tiyahin niya, at biyenan niyang babae na naging dahilan kung bakit sinaktan ni Jan ang kaniyang sarili.

Kwento ni Beng, inuntog daw ni Jan ang ulo sa sahig. Maya-maya raw ay nanigas na ito at tumirik ang mata. Agad naman nilang isinugod ang mister sa ospital.

Sa panayam ng KMJS sa isang eksperto, nagkaroon ng Retrograde Amnesia si Jan. Ang naturang sakit ay ang kawalan ng kakayahang maalala ang “recent memories” kung kaya’t hindi makilala ni Jan ang kaniyang asawa, mga anak, at ang pangyayari bago mangyari ang traumatic brain injury.

Bukod dito, na-diagnose rin si Jan na mayroong Depression.

Dagdag pa ng eksperto, may pag-asa naman daw na bumalik ang memorya ni Jan.

Samantala, bumalik sina Beng at Jan kung saan sila ikinasal. Isinadula nila ang paglalakad ni Beng patungo sa altar.

Ayon kay Jan, hindi man malinaw ang memoryang iyon pero ramdam niyang nangyari na raw ‘yon sa kaniya kaya rin siya naluluha habang naglalakad ang kaniyang misis.

Matapos ang ilang linggong medikasyon at matiyagang pakikipag-usap ni Beng, unti-unti na raw nakakaalala si Jan, kahit na hirap pa rin siyang maalala ang mga pangyayari sa nakalipas na mga buwan.

Kung may isang bagay raw na hindi makalilimutan si Jan, iyon daw ay ang pagmamahal ng kaniyang misis sa kaniya.

---

Totoo nga siguro ang kasabihang, nakakalimot man daw ang utak, hindi makakalimot ang puso.