Patay ang isang lalaki nang mabaril ng security guard habang nagtatangka umanong looban ang isang canteen sa Antipolo City nitong Martes ng madaling araw.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng napatay na suspek habang nasa kustodiya naman na ng mga awtoridad ang guwardiya na kinilala lang sa alyas na ‘Joey.’

Metro

Iskedyul para sa Undas, maagang inilabas ng Manila North Cemetery

Batay sa ulat ng Antipolo City Police, nabatid na dakong alas-4:50 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng Lutong Bahay Canteen, na matatagpuan sa XRC Building, East Kamias, Brgy. Sta. Cruz, sa Antipolo City.

Nauna rito, pumasok umano sa loob ng canteen ang lalaki upang magnakaw ngunit nahuli siya ni ‘Joey’, na siyang guwardiyang nagbabantay doon.

Inutusan umano ng guwardiya ang lalaki na lumabas ng establisimyento ngunit sa halip na lumabas ay tinangka umano nitong sugurin ang guwardiya at manlaban.

Nakaramdam ng panganib sa kanyang buhay, kaagad na bumunot ng .9mm na service firearm ang guwardiya at ipinutok sa lalaki, na tinamaan sa kanyang panga.

Kaagad ding tumawag ng mga pulis ang guwardiya at naisugod ng Sta. Cruz Rescue ang lalaki sa Antipolo District Hospital ngunit idineklara na ring patay ng mga doktor.

Dinala naman ang guwardiya sa Police Community Precinct 2 (PCP-2), ng Antipolo Component City Police Station upang maimbestigahan at masampahan ng kaukulang kaso dahil sa insidente.