Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa ngayong Lunes, Hunyo 17, dulot ng southwest monsoon o habagat, ayon Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makararanas ang Palawan at Western Visayas ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan bunsod ng habagat.

Pinag-iingat ng PAGASA ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, malaki naman ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may mga pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms ang Metro Manila, Zambales, Bataan, Cavite, Laguna, Batangas, and the rest of MIMAROPA bunsod din ng habagat.

Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may mga pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms din ang posibleng maranasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dulot naman ng localized thunderstorms, ayon sa weather bureau.

Posible rin daw ang mga pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na bagyo o low pressure area (LPA) sa loob man o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).