Asahan ang pagbagal ng daloy ng trapiko sa Quezon City ngayong darating na Sabado, Hunyo 22 dahil sa pagdaraos ng “Pride PH Festival 2024.”
Inabisuhan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang mga motorista na magiging mabagal ang daloy ng trapiko sa paligid ng Quezon Memorial Circle mula 3:00 p.m. hanggang 6:00 p.m..
Magsisimula umano ang Pride PH Festival March sa Tomas Morato Avenue patungong Timog Avenue, Quezon Avenue, hanggang Elliptical Road at papasok ng Quezon Memorial Circle (QMC) - Commonwealth Avenue Entrance Gate.
Dagdag pa ng lokal na pamahalaan, “magkakaroon din ng Pride PH Festival satellite venue sa Matalino St. at magsisimula ang simultaneous march sa Malakas St. cor. Matatag St. papuntang East Avenue hanggang Elliptical Road at papasok ng Quezon Memorial Circle (QMC) - Commonwealth Avenue Entrance Gate.”
Pinapayuhan din nila ang mga motorista na dumaan sa mga alternatibong ruta.