Umani ng iba-ibang reaksiyon at komento mula sa netizens ang naging "rant" ni Kapuso Comedy Queen Ai Ai Delas Alas matapos niyang mabalitaang isang taga-Star Cinema raw ang nagpapa-take down sa una nang naisulat na balita ng ABS-CBN News patungkol sa pakikipag-ugnayan niya na magawa ang "Tanging Ina" reunion movie.

Matatandaang ang tatlong matatagumpay na pelikula kaugnay ng Tanging Ina ay nasa ilalim ng Star Cinema.

"Masamang ma news na gusto kong gawin ang Tanging ina the Reunion?? O kung ayaw nyo wala namang pumipilit nag tatanong lang ??? Hindi naman ako mamatay kung hindi ko gagawin yan ..kung ayaw nyo e di wag .. may pa take down take down pa kayong nalalaman OAaaaaaaaa ....#tamananga #maginghumble #umayoskayo maygmafilmsnaman #matagalnakongkapuso #masayakosagma," mababasa sa caption ng Facebook post ni Ai Ai.

Tsika at Intriga

Mavy Legaspi, Ashley Ortega namataang magkasama sa Cebu

Hindi raw maintindihan ni Ai Ai kung bakit daw kailangang ipa-take down ang ulat tungkol dito. Aminadong na-off daw si Ai Ai sa nabalitaang ito.

"May nakarating kasi sa akin na balita na isa raw sa Star Cinema ang gustong ipa-down ‘yong news regarding do’n sa Star Cinema na ‘Tanging Ina’ chuchu.”

“Ako ang dating sa akin, parang na-off ako. Saka parang nagtataka ako, naloloka ako. Bakit parang may pa-down na datingan na gano’n?” aniya.

"Alangan namang magtanong ako sa Regal, sa Viva, o kaya sa Seiko Films. E, ang Star Cinema naman ang gumawa ng ‘Tanging Ina.' Saka ako naman ang ‘Tanging Ina’ do’n ‘di ba? So anong masama kung magtanong ako? At saka ano namang masama kung mabalita ‘yon? Masama ba ‘yon? 'Di ba nagtatanong lang naman ako. Or baka inassume ko lang ito, na ayaw n’yong ma-associate sa akin? Bakit? Pinagkakitaan n’yo naman ako dati sa Star Cinema, ‘di ba? Masama ba ‘yon? At saka sobrang nakapagtataka. Minamaliit n’yo ako, gano’n? So, tama na. O, edi hindi na. ‘Wag na nating gawin... Iba na lang. Ibang pelikula na lang. O, eh 'di sa inyo na ‘yan!" saad pa ni Ai Ai.

Sa comment section ng kaniyang video post ay umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon mula sa netizens. May mga nagsabing tila "sinunog niya ang tulay" sa pagitan nila ng Star Cinema. Ang pagsunog ng tulay ay isang idyomatikong pahayag na ang ibig sabihin ay tila sinira ang magandang ugnayan.

May nagpayo naman kay Ai Ai na puwede naman siyang mag-produce ng ibang pelikula, o kaya naman, lumapit sa ibang movie company lalo't nasa ilalim naman siya ng GMA Network, at may GMA Pictures naman.

"Parang sinunog mo na ang tulay mo dahil sa video mong to.🫣 Sa tingin mo ba sa mga sinabi mong ito, may mabuting maidudulot at epekto sa issue kung totoo man o hindi? Sa tingin mo dahil dito magugustuhan ka kunin at i produce tuloy ng Star Cinema? O mabi bwisit tuloy sayo ang mga production dahil napaka impulsive at negative publicity mo. Just my opinion ✌🏻

"Baka kasi nagmukhang announcement ung interview mo na magkakaroon ang another Tanging Ina in partnership with Star Cinema without them knowing it (kasi nga ikaw lang pala ang nag-iisip nun with your producer) As a company, karapatan din siguro ng SC na ipatake down yung item na sa tingin nilang hindi totoo (sa ngayon) at wala pa pala kayong formal na usapan ng management.. Review mo rin siguro yung interview mo baka may nabanggit ka kaya namisinterpret ng media. Actually, napanood ko ung news na yun at ang dating sa akin e, gagawa na talaga kaya naexcite din ako."

"I guess it's the wrong move to post this video due to impulsiveness. You said "ISA SA MGA STAR CINEMA", so maybe one of the big bosses or executives meaning NOT ALL OF THEM. You should work on this issue silently by simply reaching out to the firm to clarify everything instead of posting it on social media. I do understand that somehow you felt disrespected or invalidated, but these kinds of issues should be fixed privately at a decent table. Posting this rant through social media just gave the impression of grudges to your former network. For us, you're already an ICON in the PH Showbiz industry."

"Pwede nman nga magproduce ka ng syo may Pera ka nman Ang tanong kikita ba yun ng kagaya ng mga naging pelikula Nya sa star Cinema...wla na nga sya movie na matandaan ko kundi ung mga star Cinema lang..dka matatawag na tanging Ina Kundi dahil sa star cinema."

"Naku friend Ai Ai, gumawa ka ng Ibang pelikula maraming mga magagandang script na gawa ng mga magagaling na manunulat... Kung talagang gusto ng producer mo... Mag check lang kayo sa Palanca... Daming script dun...."

Isang netizen naman ang nagkalkal sa isyu ni Ai Ai sa Star Cinema noong 2015 Metro Manila Film Festival (MMFF) tungkol sa "ticket swapping" daw na naganap sa pagitan ng pelikulang "Beauty and the Bestie" nina Vice Ganda at Coco Martin, at My Bebe Love: #KiligPaMore" nila nina Vic Sotto, Maine Mendoza, at Alden Richards.

Naniniwala umano si Ai Ai na may "dayaang" naganap matapos daw i-claim ng Star Cinema na sila ang number 1 pagdating sa takilya. Isang taga-Star Cinema naman daw ang pumalag sa mga claim ni Ai Ai at sinabihan siyang maglabas ng pruweba sa sinasabi niya.

Mababasa sa post ng netizen, "KAPAL NAMAN NG MUKHA MO!

Baka nakakalimutan mo noong MMFF 2015, sinabihan mong mandaraya ang Star Cinema dahil sa pinapakalat mong padding sa box-office. Kaya tama lang na tanggihan nila ang alok mo. Hindi ka kawalan sa Star Cinema. Hindi rin mamamatay ang Star Cinema kahit wala kang movie sa kanila," bahagi ng post ng netizen.

Photo courtesy: Ai Ai Delas Alas (FB)

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang Star Cinema kaugnay sa mga binitiwang pahayag ni Ai Ai.

MAKI-BALITA: Ai Ai, pumalag: Balita tungkol sa ‘Tanging Ina’ reunion, pinapabura ng taga-Star Cinema?

MAKI-BALITA: Ngitngit ni Ai Ai sa Star Cinema: ‘Pinagkakitaan n’yo naman ako dati!’