Nilinaw ni Senate President Chiz Escudero na isa ang Senado sa mga hindi sakop ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na i-recite ang “Bagong Pilipinas” hymn at pledge sa flag ceremonies.
Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Lunes, Hunyo 9, sinabi ni Escudero na applicable lamang ang kautusan ng pangulo sa executive branch ng pamahalaan, at hindi sa legislative branch o sa judiciary branch.
“Hindi ‘yan automatic na aplikable sa Senado o sa Kamara, gayundin sa Korte Suprema at constitutional commissions,” ani Escudero.
"Independent ang desisyon nila kung gagamitin nila ‘yan, dahil ang sinusunod namin ay yung Flag and Heraldic Code na nagsasabi kung ano yung kakantahin kada flag raising ceremony,” dagdag niya.
Samantala, sinabi naman ng pangulo ng Senado na kung siya raw ang tatanungin ay wala siyang nakikitang masama sa pag-awit o pagbigkas ng “Bagong Pilipinas” hymn at pledge.
“Wala naman masamang awitin o sambitin ang mga katagang dapat meron tayong pag-asa, dapat magtulungan tayo, dapat ambusyunin nating umangat ang ating bansa, dapat magtulungan tayo. Wala naman akong nakikitang masama doon,” saad ng Senate president.
Gayunpaman, pag-aaralan pa rin daw ng sekretarya ng kapulungan kung ire-recite din sa Senado ang naturang hymn at pledge lalo na’t “first time” daw itong mangyayari kapag nagkataon.
Matatandaang nitong Linggo, Hunyo 9, nang ilabas ng Malacañang ang Memorandum Circular (MC) No. 52, kung saan inaatasan ni PBBM ang national government agencies (NGAs) at instrumentalities, kabilang na ang government-owned o -controlled corporations (GOCCs) at educational institutions, na i-recite ang “Bagong Pilipinas” hymn at pledge sa kanilang weekly flag ceremonies.