Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes, Hunyo 10, na ang southwest monsoon o habagat at easterlies ang kasalukuyang nakaaapekto sa malaking bahagi ng bansa.

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdudulot ang habagat ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Palawan.

Maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms din ang posibleng maranasan sa Eastern Visayas, Caraga, at Davao Region bunsod naman ng kaulapang dulot ng easterlies o ang hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, ayon sa PAGASA, inaasahang makararanas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers at thunderstorms ang Metro Manila, Ilocos Region, Batanes, Babuyan Islands, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro, at Oriental Mindoro dahil sa habagat. Gayundin din daw ang posibleng maranasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dulot naman ng localized thunderstorms.

Posible rin ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na localized thunderstorms.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na bagyo o low pressure area (LPA) sa loob man o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).