Hindi raw kilala ng bride at groom sa isang kasalan sa Davao Oriental ang nag-viral na babaeng umeksena sa kanilang wedding ceremony at sumigaw ng: “Itigil ang kasal.”

Base sa viral TikTok video na ibinahagi ni “Japs,” makikita ang biglang pag-entrada ng isang babae sa simbahan habang sumisigaw ito ng “Itigil ang kasal” at saka nagwala. Pagdating sa gitnang bahagi ng parish church ay hinimatay ang babae, kaya’t binuhat na ito palabas ng simbahan.

Kaugnay nito, sa isang Facebook post ay nilinaw ng bride na walang third party sa kanilang relasyon at hindi raw ex-partner ng kaniyang groom ang naturang babae.

'Itigil ang kasal!' Babae, umeksena sa isang kasalan sa Davao

Sa katunayan, aniya, hindi nila ito kilala at hindi rin daw nila alam kahit ang pangalan nito.

Masasabi rin umano nilang mukhang “mentally challenged” ito o wala sa katinuan ang babae.

Samantala, ibinahagi ng bride na sa kabila raw ng pagiging “traumatizing” ng nangyari ay natuloy pa rin ang kasalan.

Patapos na rin daw ang seremonya at nasa pictorial session na sila nang manggulo ang babae.