Mayorya ng mga Pilipino ang naniniwalang China ang bansang may pinakamatinding banta sa Pilipinas, ayon sa resulta ng survey ng OCTA Research.
Base sa 2024 first quarter survey ng OCTA na inilabas nitong Miyerkules, Hunyo 5, lumabas na 76% sa mga Pinoy ang nagsabing China ang “greatest threat” sa Pilipinas.
Pumangalawa naman dito ang Russia na sinagot ng 9% ng mga Pilipino, habang sumunod ang mga bansang North Korea, Pakistan at Japan na kapwa pinili ng 2% ng mga Pinoy.
Bukod dito, 1% daw ng mga Pinoy ang nagsabing “greatest threat” sa Pilipinas ang Saudi Arabia.
Wala naman sa respondents ang nagsabing pinakamatinding banta sa Pilipinas ang United States of America, India, Great Britain/United Kingdom, at Australia, ayon sa OCTA.
Samantala, 5% ng mga Pinoy ang naniniwalang wala sa sampung listahan ng mga bansa sa survey ang may pinakamatinding banta sa Pilipinas, habang 2% ang hindi nagbigay ng kanilang kasagutan sa usapin.
Isinagawa ang nasabing survey mula Marso 11 hanggang 14, 2024 sa pamamagitan ng pakikipanayam sa 1,200 respondents.
Tinanong daw ang respondents kung alin sa 10 bansang nasa listahan ng survey ang sa tingin nila ay may pinakamatinding banta sa Pilipinas.