Naging emosyunal ang hosts ng "It's Showtime" sa kuwento ng isang lalaking searchee sa "EXpecially For You" segment dahil sa pinagdaanan nitong heartbreak.

Naikuwento ng searchee na si "Ahyan" ang pinagdaanan matapos ang kunwaring monologo niya para kay Karylle na "wasak" dahil sa pag-ibig.

Naging emosyunal si Ahyan sa kaniyang mga nasabi.

"Ahm Karylle... ramdam kita. I've been there, natural lang 'yan, normal 'yan. Last year, ganiyan din ako," saad ni Ahyan habang gumagaralgal ang boses.

Relasyon at Hiwalayan

Khalil Ramos, Gabbi Garcia engaged na nga ba?

"Tingnan mo, nandito pa rin ako. Dahil sa mga taong naniniwala sa akin na mapagtatagumpayan ko 'yong problemang 'yon. Karylle, normal lang 'yan, dadaan lang 'yan, kung may galit ka, gusto mong isigaw, isigaw mo sasabayan kita. Hayun, nandito ako, kung may gusto ka pang sabihin, handa akong makinig. Kasi alam kong proseso 'yan, matagal 'yan, kaya sabayan natin. Sasabay ako sa agos ng problema mo, hanggang sa sabay tayong ngingiti."

Hanggang sa nilapitan siya nina Anne Curtis at Vice Ganda para yakapin, gayundin si Karylle na naramdaman ang kaniyang mga sinabi.

Dito na nag-disclose si Ahyan na nakahanda na raw pala ang lahat para sa kanila ng ex-jowa niya. Nakabili na raw siya ng singsing, subalit nalaman niyang may iba palang karelasyon ito.

Ang mas masakit, alam daw ng mga kapamilya ng babae ang tungkol sa third party subalit hindi sinabi sa kaniya.

"Nawasak ka rin?" tanong ni Vice Ganda.

"Wasak... wasak na wasak!" sagot naman ni Ahyan.

"Paano ka nawasak?" tanong ni Vice Ganda.

"Akala ko kasi 'yon na eh, alam mo 'yon..."

"Were you engaged?" tanong ni Vice.

"Planning na. Ready na 'yong... may nabili na 'kong singsing. Tapos all throughout pala, meron pa lang iba. Ang masakit pa alam din pala no'ng kapamilya niya na may iba, na pumupunta ako sa kanila na may gano'n..."

Ang pagsali raw ni Ahyan sa segment ay para lang mag-enjoy dahil gusto raw niyang makakilala pa ng iba at bigyan ng chance ang sarili.

Sa huli, tinapik ni Vice Ganda si Ahyan at sinabing "they rooting for him." Siya rin ang pinili ng searcher na si "Marianne."

Agad namang kumalat sa social media ang clips nito at talaga namang nagpaiyak din sa iba. Ramdam daw nila ang sinseridad ni Ahyan.