Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang dalawang iba pa, na kinabibilangan ng isang bata, nang pagbabarilin ng riding in tandem sa Tondo, Manila nitong Lunes ng gabi.

Dead on arrival sa Ospital ng Tondo ang biktimang si Johnny Rome Tiangco, 31, ng Hermosa St., Tondo dahil sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Metro

Magpinsang paslit nagkayayaang maligo sa lawa, nalunod

Sugatan naman ngunit nagpapagaling na matapos na tamaan ng ligaw na bala ang mga biktimang sina Allen Derick Pascual, 25, at Robin Jacinto, 13, na kapwa residente rin ng naturang lugar.

Samantala, nakatakas naman lulan ng isang hindi naplakahang motorsiklo ang dalawang lalaking salarin, na kapwa nakasuot ng helmet, itim na jacket at pantalon.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong alas-5:50 ng hapon nang maganap ang krimen sa tapat ng isang bakery sa Hermosa St., Tondo.

Ayon sa testigong si alyas ‘James,’ kasalukuyan umano silang nag-uusap ng biktima ng bigla na lang dumating ang mga salarin.

Bumaba ng motorsiklo ang isa sa kanila at mula sa likuran ay kaagad na pinagbabaril ang biktima, na ikinasawi nito.

Minalas namang tamaan ng ligaw na bala ang dalawa pang biktima, na nagresulta sa kanilang pagkasugat.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin na tinutugis na ng mga awtoridad.