Inaasahang makararanas ng mga kalat-kalat na pag-ulan ang mga lalawigan sa Extreme Northern Luzon ngayong Biyernes, Mayo 17, dulot ng shear line, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdudulot ang shear line, o ang “boundery line” kung saan nagsasalubong ang malamig at mainit na hangin, ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Batanes, Cagayan, at Isabela.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, patuloy pa rin daw ang epekto ng easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa.

National

ALAMIN: Mga sintomas ng heat-related illnesses at mga dapat gawin kapag nakaramdam nito

Kaugnay nito, inaasahan pa rin ang maaalinsangang panahon, na may tsansa ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong pag-ulan pagsapit ng hapon o gabi.

Sa kasalukuyan ay walang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).

Mayroon naman daw namamataang makakapal na ulap o Intertropical Convergence Zone (ITCZ) sa timog na bahagi ng Mindanao sa labas ng PAR. Hindi umano ito makaaapekto sa bansa sa susunod na 24 oras.