Naikuwento ng Kapamilya TV host na si Luis Manzano na noong bata pa raw ang kaniyang inang si Star For All Seasons Vilma Santos-Recto ay may ginawa na itong "krimen."

Ang rebelasyon ay naganap sa unang episode ng bagong programa ni King of Talk Boy Abunda sa GMA Network, ang "My Mother, My Story" na nagsimulang umere sa mismong araw ng Mother's Day, Mayo 12.

Noong nasa grade school pa lamang si Luis ay hindi maiiwasang may mga kaklase siyang nambu-bully at nakakarating daw ito kay Vilma.

"Gusto ni Mommy kapag napapasuntukan, tanong niya palagi, ‘Nakabawi ka? Nakabawi ka ba?’ Kasi alam naman niya na hindi ako magsisimula ng gulo," ani Luis.

Relasyon at Hiwalayan

Kobe Paras, naka-three point shot na ba sa puso ni Kyline Alcantara?

"Hindi naman ako iyon, but sa kaniya, it’s either nakabawi ka o ikaw ang nagtapos ng gulo."

First time daw malalaman ng madlang pipol na si Vilma raw ay may sinaksak pala noon sa pamamagitan ng lapis, noong bata pa ang aktres.

"Hindi ko alam kung naikuwento sa iyo ni Mommy ito. First time ko itong ikukuwento. Hindi ko alam baka… kayo na ang bahala kung may konting criminal implications ito ha? May konti ito. Grade two si Mommy, may sinaksak ng pencil 'yan. Totoo. Buong araw daw kasi si Mommy, nag-artista nong bata siya, buong araw, ‘Vilma… 'yong mga nang-aasar. Ang pangalan, Restituto."

"Si Restituto, inaasar siya, ginugulo siya, so mula no'ng subject na iyon hanggang recess, walang ibang ginawa si Mommy kundi magtasa ng pencil. Premeditated ang dating. Hindi siya 'yong biglaan lang. Isang buong subject, nakatingin lang siya kay Restituto. Recess, si Restituto nasa monkey bars, diretso, sinaksak sa hita,” pagsisiwalat ni Luis.

Tawang-tawa naman si Vilma sa kuwento ni Luis subalit hindi niya mapigilan ang anak dahil nasa ibang silid habang pinapanood ang panayam sa panganay na anak. Kasama naman ni Ate Vi ang bunsong anak na si Ryan Christian Recto, anak nila ng mister na kapwa politikong si Ralph Recto.

Nang mausisa naman ang Star For All Seasons tungkol dito, sinabi niyang hindi pinalagpas ng paaralan ang ginawa niya at napatawag sa Principal's Office.

Hindi raw masabi ni Ate Vi kung napatawad na ba siya ng sinaksak sa kaniyang ginawa.