Nangako ang radio personality at showbiz insider na si DJ JhaiHo na ihihinto na ang paghipak ng vape matapos niyang isugod ang sarili sa ospital kamakailan.
Sa eksklusibong panayam ng ABS-CBN News noong Martes, Abril 7, sinabi ni DJ JhaiHo na bago niya dinala ang sarili sa ospital ay nakasalang pa siya sa programa niya sa DZMM.
“Buong program, super hinihingal ako. Pero still presence of mind na basta nakabukas ang microphone ko at naka-button ang camera, G na G ako sa pag-a-anchor,” lahad ni DJ JhaiHo.
“Right after the program,” pagpapatuloy niya, “tinawagan ko kaagad ang nakshie ko/assistant ko. Sinabi ko na hindi ako makahinga [nang] maayos.”
Dagdag pa ng radio personality, “No’ng nagpa-ER ako, check agad BP, tiningnan ang eyes, at paa kung manas. Tingin sa kaliwa’t kanan. Tapos, pinakinggan ang breathing gamit ang stethoscope. Three times akong pinag-nebulizer ng tig-15 minutes.”
Bukod dito, sumailalim din si DJ JhaiHo sa ECG, X-ray, at blood tests. Bagama’t wala siyang ibang komplikasyon matapos ang mga pagsusuri, nadiskubre namang mayroon siyang community-acquired viral pneumonia.
Kaya naman minungkahi ng ospital na i-confine si DJ JhaiHo. Ngunit mas pinili nitong sa bahay na lang magpagaling.
Aniya, “Susundin ko na lang ang reseta nila na gamot. And stop ko ang vaping. Pinayagan nila ako. Then magpapa-check after kong mag-take ng antibiotics for 7 days.”